Kaso ni Veloso, napag-usapan nina Duterte at Widodo

Inquirer file photo
Inquirer file photo

Sa pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Indonesian President Joko Widodo, natalakay ang tungkol sa kaso ng Pilipinang convicted drug mule na si Mary Jane Veloso.

Naganap ang pag-uusap ng dalawang pangulo sa Istana Merdeka sa Jakarta, araw ng Biyernes.

Gayunman, sa maiksing pagharap ni Duterte sa media, tumanggi siyang magbigay ng detalye tungkol sa mga napag-usapan nila ni Widodo, partikular na sa kapalaran ni Veloso na nananatili pa ring nasa death row.

Matatandaang nasalba si Veloso sa nakatakda nang pag-firing squad sa kaniya sa piitan sa Indonesia matapos humingi ng last-minute na reprieve si dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon kay Ginoong Duterte, ang naging usapan nila ni Widodo ay “not for public consumption.”

Nang tanungin naman ang pangulo kung sinilip nila ang mga antridrug measures ng isa’t isa, sinabi ni Duterte na patuloy nilang igagalang ang proseso ng hustisya ng kanilang mga bansa.

Dagdag pa ng pangulo, ang mahalaga ay umiiral ang rule of law na magbibigay ng kaayusan sa komunidad.

Ayon naman kay Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay Jr., wala namang pagmamadali sa magkabilang panig kaugnay sa kaso ni Veloso, at hahayaan munang matapos ang proseso.

Pansamantalang inalis “indefinitely” ng mga otoridad sa Indonesia ang pangalan ni Veloso sa execution list, pero tetestigo pa rin siya laban sa mga illegal recruiters na dahilan kung bakit siya nakulong.

Paliwanag pa ni Yasay, kung lalabas sa paglilitis sa mga illegal recruiters dito sa Pilipinas na biktima lamang si Veloso, doon na makakahingi ng clemency ang bansa para kay Mary Jane.

Samantala, sinabi rin ni Yasay na nabigyan si Veloso ng pagkakataon na ibigay ang kaniyang deposition sa kaso habang nakabinbin pa ang kaso sa Nueva Ecija Regional Trial Court.

Matatandaang nahulihan si Veloso ng 2.5 kilo ng cocaine sa loob ng lining ng kaniyang maleta pagdating niya sa airport sa Indonesia noong 2010.

Read more...