Mayor Duterte at Pangulong Duterte, nag-talo sa pagsibak sa hepe ng Task Force Davao

Sara Duterte
Sara Duterte

Aminado si Davao City Mayor Sara Duterte na nakairingan niya ang amang si Pangulong Rodrigo Duterte nang palitan niya ang hepe ng Task Force Davao na si Senior Supt. Henry Robinson matapos ang pagpapasabog sa Roxas night market noong September 2.

Ayon sa alkalde, hindi nagustuhan ng kaniyang ama ang kaniyang desisyon na palitan si Robinson, ngunit kalaunan ay wala na rin itong nagawa.

Kwento ni Mayor Sara, ilang oras matapos ang pagsabog, sinermonan siya ng kaniyang ama at ang dami pa aniyang sinabi sa kaniya kaya sinagot na niya ito.

Nangyari aniya ito bandang alas-6 ng umaga ng Sabado.

Ipinapasa aniya ni Pangulong Duterte ang kaniyang mga text message sa kaniyang executive assistant na si Bong Go, na siyang nagpapadala ng mensahe kay Mayor Sara.

Nang mainis si Sara, tinanong niya ang ama kung sino na ba talaga ang alkalde ng lungsod, dahil kaya niyang iwanan na agad ang pwestong iyon agad.

Giit ni Mayor Duterte, handa siyang mag-resign noong mga panahong iyon kung hindi titigil ang ama sa pagdi-dikta sa kaniyang gagawin.

Kalaunan aniya ay hinayaan na rin siya ng pangulo na ituloy ang desisyon niyang palitan si Robinson, at bigla pa aniya siyang kinantahan nito ng “How Do I Live Without You.”

Noong Miyerkules, pumalit na si Col. Erwin Bernard Neri sa posisyon ni Robinson.

Bukod naman kay Robinson, nais ring palitan ni Mayor Duterte ang hepe ng Davao City police na si Senior Supt. Michael John Dubria.

Ayon sa isang source ng Inquirer, nagbigay na si Philippine National Police Director General Ronald dela Rosa ng listahan ng maaring ipalit kay Dubria pero hindi pa nakakapagdesisyon ang alkalde.

Read more...