Ito ay para sana magkaroon ng ligtas na lugar para sa mga Muslim kung saan sila ay mataimtim na makapagdarasal at mapayapang makapanunuluyan ngayong papalapit na ang pagdiriwang ng Eid’l Adha.
Sa pahayag ni Hataman, sinabi niyang Sulu ang napupuruhan ngayon sa mga operasyon ng mga otoridad kontra Abu Sayyaf.
Inaasahang magpapatuloy ang mga operasyong ito hanggang sa araw ng Eid’l Adha, at nag-aalala siya dahil ito ay isang panahon para sa pagdarasal at pagdiriwang ng mga Muslim.
Dahil dito, umapela siya sa pamahalaan at mga otoridad na kabilang sa mga partido sa nangyayaring gulo na hayaan ang mga internally displaced persons (IDPs) na malapit sa gulo, na mailipat sa mas ligtas na mga lugar kung saan hindi sila maaapektuhan ng mga operasyon.
Umapela rin siya sa magkabilang panig na hayaang makarating sa mga nangangailangan ang mga tulong na iniaabot sa mga ito.