4 patay, 47 sugatan sa nadiskaril na tren sa Spain

galicia spainNasawi ang apat na pasahero habang sugatan naman ang 47 na iba pa matapos madiskarin ang isang pampasaherong tren sa Galicia, Spain.

Ayon sa regional government ng Galicia, naganap ang aksidente alas-9:30 ng umaga sa may Porrino station, na nasa 450 kilometro ang layo sa Madrid.

Dagdag pa nila, nagpadala agad ang emergency services ng mga doktor sakay ng mga helicopter sa pinangyarihan ng aksidente.

Bumabyahe ang tren mula Vigo patungong Porto sa Portugal, at ang nasabing tren ay pag-aari ng Portuguese rail company na Comboios de Portugal.

Tuluyang nadiskaril ang unahang bahagi ng tren dahilan para bumangga ito sa isang poste at tumagilid.

Base sa reports ng mga Spanish media, nasa 60 katao ang sakay ng nasabing tren.

Ayon sa Adif railway infrastructure company, nagsimula na sila ng imbestigasyon tungkol sa aksidente.

Read more...