‘Sand storm’ na dulot ng DPWH project sa Puerto Princesa, inireklamo

puerto princesaDahil sa abala at masamang dulot sa kalusugan, inireklamo na ng mga residente ang mistulang “sand storm” na nagaganap sa Puerto Princesa City na dulot ng isang road construction project.

Nagdudulot na umano ito ng aksidente sa mga motorista dahil kumakalat sa hangin ang buhangin at lupa na dala ng pag-aaspalto sa kalsada, lalo na kapag sumasapit na ang dilim at hindi na makita ng mga nagmamaneho ang kanilang dinadaanan.

Humingi naman ng paumanhin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa abalang idinudulot ng kanilang konstruksyon, at tiniyak na malapit na itong matapos.

Tiniyak rin nila na ngayong linggo, aalisin na nila sa lugar ang ginagamit na buhangin sa pag-aaspalto.

Ipinaliwanag naman nila na kailangan nilang lagyan ng buhangin ang ibabaw ng bagong aspaltong kalsada dahil isa itong proseso sa konstruksyon para makatulong sa curing process.

Bukod sa mga aksidente, ikinakabahala rin ng mga residente na baka magkaroon na sila ng impeksyon sa mata dulot ng mga buhangin.

Read more...