Walang kinalaman ang damdamin ng mga biktima ng martial law sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na payagang ihimlay si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ito ang inilaban nina Solicitor General Jose Calida at ng abogado ng mga Marcos na si Atty. Hyacinth Rafael-Antonio sa Korte Suprema para sa ikalawang round ng oral arguments sa mga petisyon ng mga biktima ng martial law kontra sa nasabing hakbang.
Iginiit nila na ang ginawa ni Duterte ay isang political decision lamang.
Sinabi ni Antonio sa mga mahistrado na wala dapat kinalaman ang mga emosyon at damdamin ng mga biktima sa kaso, dahil ito aniya ay para lamang alamin kung nakagawa ba ng grave abuse of discretion si Duterte sa pagbitiw ng naturang desisyon.
Hinimok naman ni Calida ang korte na isantabi ang mga “epiphets and ad hominem arguments,” at dapat isaalang-alang ang “wisdom and propriety” ng pangulo sa pagnanais niyang tapusin na ang isyung humahati sa bansa.
Sa pagtatanong naman ni Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ni Calida na wala siyang alam na nagpadala pala ng liham si dating first lady Imelda Marcos kay Duterte na humihiling ng hero’s burial para sa dating diktador.
Tinanong rin ni Leonen kung nakasaad ba sa liham na humihingi sila ng tawad sa mga nagawang kasalanan ni Marcos noon, dahil aniya, bago ibigay ng Diyos ang kapatawaran, kailangan muna itong hingin ng mga Kristyano.
Giit naman ni Calida, walang kinalaman ang paghingi ng kapatawaran sa nasabing isyu dahil ang mahalaga aniya ay ang “political wisdom and maturity.”