Dagdag sweldo ng mga pulis at sundalo, mararamdaman na sa December

 

Tiniyak ng Department of Budget and Management na mararamdaman na simula sa buwan ng Disyembre ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdag sweldo ng mga pulis at militar.

Ito ay kahit pa sinabi na ng DBM na walang itinakdang pondo para sa nasabing dagdag sweldo sa 2017 national budget.

Sa isang roundtable discussion sa Quezon City, sinabi ni DBM Budget Technical Bureau Director Amenelia Arevalo na kukunin nila ang pondo para sa nasabing salary increase sa tinatawag na Miscellaneous Personnel Benefits Fund o MPBF.

Ang MPBF ay ginagamit sakaling magkaroon ng pagkukulang sa pondo para sa sweldo, bonus, allowance at iba pang benefits ng National government personnel.

Sakaling magbaba na aniya ng direktiba na gamitin na ang MPBF, handa ang DBM na ilabas ang pondo para dito.

Nilinaw naman ni Arevalo na ang full implementation ng dagdag sahod ng mga pulis at militar ay tatagal ng tatlong taon na magsisimula sa 2017.

Pagpasok aniya ng taong 2017 ay gagawa na sila ng provision para sa nasabing dagdag sweldo na nagkakahalaga ng dalawampung bilyong piso.

Read more...