Presidente Duterte, pinayuhang sumailalim sa anger management

 

May payo ang mga kongresistang bahagi ng Legitimate 8 kay Presidente Rodrigo Duterte, na nagpaulan ng maaanghang na salita laban kay United States President Barack Obama.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Caloocan City Rep. Edgar Erice kay Pangulong Duterte na “be cool under pressure.”

Dagdag ni Erice, kailangan na talaga ng Presidente ng anger management upang maiwasan na ang pagiging mainitin ang ulo o magalitin.

Ayon pa kay Erice, batid niyang mabigat ang laban ng pamahalaan sa ilegal droga pero hindi umano kailangang mauwi     ito sa pagka-gusot ng relasyon ng Pilipinas at iba pang mga bansa.

Paalala naman ng Magdalo PL Rep. Gary Alejano kay Pangulong Duterte, ang governance ay hindi lamang hinggil sa pagsugpo sa ilegal na droga, kundi may iba pang mabibigat na problema ang bansa na kailangang mas tutukan.

Ani pa ni Alejano, bagama’t nakakatuwa ang paninindigan ng Pangulo para sa independent foreign policy, dapat pa rin umanong isaalang-alang ni Duterte ang Pilipinas ay bahagi ng international community.

Giit pa ni Alejano, hindi pwede balewalain ang mga international norm o international laws, partikular ang patungkol sa respeto sa human rights lalo’t signatory ang Pilipinas sa mga nabanggit.

Samantala, nagbigay rin si Sen. Leila de Lima ng isang “unsolicited” at “friendly” advice kay Pangulong Duterte.

Payo ng senadora sa pangulo, pag-isipan muna nang maigi ang mga sasabihin bago siya magsalita.

Dagdag pa ni De Lima, kailangang tandaan ni Duterte na isa siyang pangulo at kung anuman ang lalabas sa kaniyang bibig ay nagiging policy at official statement.

Dahil dito, hindi na maaari ang estilo nitong paggamit ng pambu-bully at mga offensive language, dahil anumang sabihin niya ay sumasalamin sa kaniyang opisina at sa ating bansa.

Read more...