“Undiplomatic language” ni Duterte, ikinabahala ng ilang mambabatas

President DuterteNababahala ang ilang mambabatas sa kamara sa maaaring maging epekto ng matapang pagbanat ni Presidente Rodrigo Duterte kay United States President Barack Obama, na nagbunsod ng kanselasyon ng inaasahang pulong ng dalawang lider sa Laos.

Ayon kina Ifugao Rep. Teddy Baguilat at Kabayan Party list Rep. Harry Roque, nakita ng lahat ang panininigan ng pangulo sa independence ng Pilipinas mula sa Amerika, pero sana’y ginawa ito ni Duterte sa diplomatikong pamamaraan.

Sinabi ni Baguilat na isa siya sa mga kritikal sa asta ng Estados Unidos na aniya’y global moralist.

Nakikialam din aniya ang US sa mga panloob ng isyu ng Pilipinas at iba pang mga bansa, dahil sa super power nito.

Sinabi ni Baguilat na maaaring ang mga ito ang rason kung bakit ayaw ni Presidente Duterte sa US kaya nakapagsalita ito ng tahasan, subalit mas mainam sana kung hindi sa paraang tila naghahamon ng away.

Punto pa ni Baguilat, kailangang may respeto pa rin si Duterte kay Obama hindi lamang bilang US President kundi dahil ang Estados Unidos ang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas.

Ang mga Amerikano din umano ang pangalawang may pinakamalaking bilang ng turista na bumibisita sa bansa at kilala rin sa pagbibigay ng malaking financial aid, lalo kapag may mga sakuna o iba pang pangyayari.

Pangamba ni Baguilat, baka manghinayang ang Pilipinas kapag nawala ang lakas ng kapasidad na maaaring ipangtulong ng Amerika sa hinaharap.

Para naman kay Roque, wala siyang kwestyon sa paninindigan ni Presidente Duterte sa independent foreign policy.

Subalit nakakabahala aniya na ang undiplomatic language ng punong ehekutibo ay magbibigay ng gusot sa traditional allies ng Pilipinas at Amerika.

 

 

 

Read more...