Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, nakita ng isang eroplano ng Philippine Air Force ang apat na barko ng Chinese coast guard, dalawang barge-like na mga vessels at dalawang hinihinalang troop ships malapit sa bahura noong Sabado.
Ani Lorenzana, labis na nakababahala ang presensya ng maraming barko ng China sa lugar, bukod pa sa kanilang coast guard.
Dahil dito, tinawag na aniya ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pansin ng Chinese Ambassador upang hingan ito ng paliwanag.
Ibinunyag pa ng kalihim na tinangka ng China na magdala ng mga dredging barges sa Scarborough para sana gawin itong artificial island, ngunit napigilan sila ng Estados Unidos.
Sakali man aniyang may binabalak na itayo ang China sa Scarborough, magdudulot ito ng matinding epekto sa sitwasyon ng seguridad sa lugar.
Matatandaang balak rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na komprontahin ang China kaugnay sa natanggap niyang intelligence report na nagsasagawa ng konstruksyon ang China sa Scarborough.