Japan at China, magpupulong pagkatapos ng G20 summit

(AP Photo/Kim Kyung-Hoon, Pool)
(AP Photo/Kim Kyung-Hoon, Pool)

Tuloy pa rin ang pagpupulong nina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at Chinese President Xi Jinping ngayong araw, sa kabila ng pag-aagawan nila ng teritoryo sa East China Sea.

Gaganapin ang pagpupulong ng dalawang pinuno pagkatapos ng G20 summit na nagsimula kahapon sa Hangzhou, China.

Matatandaang nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa noong nakaraang buwan matapos maglayag ang mga barko ng China malapit sa islets sa East China Sea na kontrolado ng Japan, ngunit inaangkin rin ng Beijing.

Dahil dito, unang naging malabo ang pagpupulong ng dalawa sa sidelines ng G20 summit, ngunit tiniyak ng pamahalaan ng Japan na matutuloy pa rin ito sa kabila ng isyu.

Nagka-girian rin ang dalawang bansa matapos himukin ng Japan ang China na sumunod sa ruling ng international tribunal kaugnay sa territorial dispute sa South China Sea, pero binalaan sila ng China na huwag mangialam sa usapin.

Read more...