All-out war laban sa Abu Sayyaf group, pinadedeklara ni Sen. Ejercito kay Pres. Duterte

JV ejercitoIginiit ni Senador JV Ejercito na mag-all out war na laban sa Abu Sayyaf upang matapos na ang paghahasik ng grupo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Ejercito na suportado niya ang malakas na pagkontra ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ASG, gaya na lamang ng pagdedeklara ng State of Lawlessness.

Pero kung kayang tapusin na ang ASG, sinabi ni Ejercito na mainam na gawin na ito at kung kinakailangan ay magdeklara na ng all-out war laban sa bandidong grupo.

Ipinaalala nito ang ginawa ng kanyang ama na si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na nagdeklara ng all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Binigyang-diin ni Ejercito na baka hindi na kayanin pa ng bansa na magkaroon ng panibagong pambobomba, na maaaring ikasawi ng mga mamamayan.

Kaugnay nito, nagpaalala si Ejercito kay Pangulong Duterte lalo’t may mga bumabatikos sa idineklara nitong State of Lawlessness.

Inihalimbawa ng Senador ang nangyari sa kanya na nakasuhan dahil bumili ang lokal na pamahalaan ng mga baril noong alkalde siya ng San Juan City upang tugunan ang nakawan at kaso ng holdap.

Read more...