House Speaker Alvarez, suportado ang pagdedeklara ni Pres. Duterte ng State of Lawlessness

Alvarez2-0615Buo ang suporta ng Liderato ng Kamara sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ‘state of lawlessness’ hindi lamang sa Davao City kundi sa buong bansa.

Sa kanyang statement, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na nauna nang inako ng Abu Sayyaf Group ang responsibilidad sa pambobomba sa Roxas market, Davao City na ikinamatay ng labing apat na indibidwal at ikinasugat ng marami.

Ani Alvarez, ang krimen ay gawain ng mga duwag at walang saysay na akto ng karahasan.

Kaya giit ng Speaker, ang pamahalaan ay may sapat na dahilan upang habulin ang ASG sa anumang paraan at para ma-neutralize ang bandidong grupo.

Matinding rason din aniya ito upang ang mga alagad ng batas at militar ay ituloy ang pagsasagawa ng mga hakbang, hindi lamang para huwag nang maulit ang terorismo, kundi upang hadlangan ang iba pang uri ng kriminalidad, kabilang na ang illegal drug trafficking.

Hinimok naman ni Alvarez ang taumbayan na paigtingin ang suporta sa kampanya ng Duterte administration laban sa terorismo at kriminalidad, dahil layon nito na mangibabaw ang batas at kapayapaan sa bansa.

 

Read more...