Sa naturang blogsite, inihayag ni Ebanglista ang umano’y mga anomalya sa loob ng INC. Lumalabas, at batay sa kanyang mga posts, siya hanggang sa ngayon ay hindi pa kilala at nasa loob ng INC. Isang “deep throat” ika nga.
Sa pamamagitan ng kanyang blogsite, nagtagpu-tagpo ang mga kasapi sa INC na may mga nalalamang umano’y anomalya at iregularidad sa loob ng makapangyarihang samahang pang-relihiyon.
Ang paghahanap o pagtukoy sa kung sino si Ebangelista ang siyang naging dahilan ng umano ay pagdukot sa ilang ministro sa Iglesia ni Cristo kabilang na ang ministrong si Isaias Samson Jr. na lumantad na sa media at nagsalita din laban sa aniya ay katiwalian sa loob ng INC.
Sa pamamagitan ng tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala ay itinanggi ang mga kuwento at pagpapatotoo ng pagdukot at kagyat na itinanggi ang alegasyon ng katiwalian. “Patunayan nila, “ hamon pa ni Zabala bilang tugon sa tanong mga kagawad ng media.
Ilan sa mga nagpapakilalang aktibong kasapi ng INC na sumusuporta kay Ebanglista ay nagngangalang Danica Rosales, Kelly Ong at Sherlock. Sa mga Facebook posts ng mga ito, mababasa ang mas matatapang na mga pananalita laban sa sinasabi nilang mga tiwali sa Sanggunian ng INC. Ang mga pangalang nabanggit ay pinaniniwalaang mga aliases lamang.
Pansamantalang tahimik at pinaniniwalaang hacked ang blogsite ni Ebangelista ngunit ang mga FB posts nina Rosales, Ong at Sherlock ay nagpapatuloy.
Sa kanyang post ngayong araw na ito, ika-25 ng Hulyo, isang araw bago ang selebrasyon ng ika-101 taong pagkatatatag ng INC, nag-post ng paghihikayat ang nagpapakilalang Kelly Ong na pagdalo ng tinatayang pitong libong katao para magtipun-tipon sa tirahan ni Angel Manalo o kilala sa tawag na Ka Angel sa Tandang Sora, Quezon City.
Sa kanyang FB post, ito ang panawagan, “Kailangan ko po ng pitong libong magiging na tao. Paki PM sa akin ang inyong cell numbers ASAP. Kausapin nap o ninyo ang inyong mga kamag-anak at mga kaibigan. Kailangang gumising na po ang kapatid na Eduardo V. Manalo upang kausapin na niya ang kaniyang magulang at mga kapatid na anim na taon na niyang pinababayaan at naging dahilan ng kanilang hidwaan sa lahat ng kaguluhan ngayon. All faith defenders, paki-share po ito sa lahat.”
Si Ka Angel, kanyang mga kapatid at kanyang ina na si Tenny ay itiniwalag ng kanilang kapatid na si Eduardo Manalo, Executive Minister ng INC.
Nauna nang nanawagan ng mala-people power si Ka Angel sa tapat ng kanyang tinitirahan sa Tandang Sora. May mangilan-ngilang tumugon ngunit hindi nagtagal ay nagsiuwian din ang mga ito.
Ilan sa mga dumating ay mga tiwalag ding ministro tulad ni Ka Angel.
Ang nagpapakilala naming Sher Lock ay naglagay ng post na ito sa kanyang FB account ng ganito, may petsang July 25: News Flash! Sanggunian Libre sundo hatid tactic punuin lang ang Arena! Walang pinagkaiba sa hakot system ng mga politico!
Ang Arena o Philippine Arena ay isa sa mga tinukoy ni Ka Angel na dahilan ng aniya ay kaguluhan sa INC ngayon.
Sa kanya naming post, tungkol din sa umano’y hakot system ang binanggit ng nagpakilalang Danica Rosales.
Ayon sa pamunuan ng INC, sa kabila ng lahat ng mga batikos at akusasyon ng anomalya ay nananatiling matatag ang samahang pang-relihiyon at wala anilang makakapigil sa pagdiriwang nila ng ika-101 taong anibersaryo. “Walang pagkakahati-hati sa Iglesia,” binigyang diin ni Zabala sa panayam ng Radyo Inquirer./Gina Salcedo