Halos 400 na bata naospital sa kinaing ice candy at cupcake

ice candy
File Photo

Aabot sa 345 na katao na karamihan ay pawang mga estudyante ang naospital matapos silang kumain ng cupcake at ice candy sa isang paaralan sa Calamba City, Laguna.

Naganap ang insidente ala-1:30 ng hapon ng Biyernes sa isang “feeding program” sa Real Elementary School ng Brgy. Real, sa nasabing lungsod.

Ayon kay Region 4A Office of the Civil Defense Director Vicente Tomazar ang feeding program ay bahagi ng pagdiriwang sa nutrition month sa eskwelahan.

“It was a feeding program [held] as part of the nutrition month. Accordingly, the City College of Calamba sponsored the activity and distributed cupcakes and ice candy,” ayon kay Tomazar.

Umabot na sa 345 katao ang dinala sa iba’t-ibang ospital sa loob at labas ng lalawigan ng Laguna. Pero agad ding nakalabas ng pagamutan at karamihan ay nakauwi na ng bahay. Biyernes ng gabi nasa 100 na lamang ang nasa mga ospital.

Ayon naman kay Laguna Police Provincial Director Sr. Supt. Florendo Saligao, karamihan sa mga biktima ay estudyante ng nasabing paaralan.

Matapos kumain ay nakaramdam umano ng panghihilo at panghihina ang mga bata./ Inquirer Bandera, Dona Dominguez-Cargullo

Read more...