Ayon kay Dela Rosa, hindi nila maaring hayaan na mabigo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pangako na sugpuin ang malaking problema ng iligal na droga sa bansa sa loob ng anim na buwan.
Sa kaniyang talumpati sa Camp Bado Dangwa sa La Trinidad, Benguet, sinabi ni Dela Rosa na apat na buwan na lang ang natitira, kaya umaasa siyang maging doble, triple o higit pa ang gagawing operasyon ng mga pulis para makamit ang kanilang target.
Bukod sa pangulo, hindi rin aniya dapat biguin ng pulisya ang publiko sa kanilang naipangako.
Pinayuhan rin niya ang kaniyang mga tauhan na huwag pansinin ang mga pagpuna ng iba’t ibang sektor sa kanilang kampanya.
Sa kabila kasi aniya ng maraming pagbatikos na tinatamasa ng mga pulis, ipagpapatuloy lang nila ang kanilang ginagawa hangga’t ito ay naaayon sa batas na may kaakibat na paggalang sa karapatang pantao.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Dela Rosa ang malaking pag-baba sa average daily crime rate sa bansa mula noong July na umabot sa 49 percent.