Night market sa Davao City, niyanig ng pagsabog

Inquirer Mindanao
Inquirer Mindanao

(Update) Umakyat na sa 12 ang nasawi sa isang malakas na pagsabog sa Roxas Night Market sa Davao City, dakong alas-10:20 ng Biyernes ng gabi.

Ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella, hindi naman bababa sa 60 naman ang sugatan matapos ang pagsabog ng hinihinalang improvised explosive device.

Agad na rumesponde ang mga pulis, Task Force Davao, at mga ambulansya, habang pansamantalang isinara muna ang kahabaan ng Roxas Avenue.

Ayon sa mga testigo, isang malakas na pagsabog ang kanilang narinig na sinundan ng makapal na usok.

Sa ngayon, walang nakikita ang Philippine National Police (PNP) na anumang senyales na may koneksyon ang Islamic State group sa pag-atake.

Gayunman, isa sa mga tinitingnang anggulo ng mga otoridad ang pag-atake ng Abu Sayyaf group, lalo na’t nagbanta ang mga ito na aatakihin nila ang mga sundalong inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sila ay patumbahin.

Mula sa Facebook page ng City Government of Davao

Tumungo naman na sa pinangyarihan ng insidente si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, at umapela sa publiko na ipagdasal ang mga biktima.

Ligtas naman ang kalagayan ni Pangulong Duterte na ngayon ay nasa Davao dahil sa palagian niyang pag-uwi sa kaniyang tahanan tuwing weekend.

Sa pahayag naman na inilabas ni Police Regional Office XI Director Chief Supt. Manuel Gaerlan, tinitiyak ng PNP na maingat nilang iniimbestigahan ang nasabing sitwasyon.

Bilang bahagi rin ng kanilang puspusang pag-iimbestiga sa nangyari, naglagay na sila ng mga checkpoints o chokepoints sa lahat ng exit points sa Davao City.

Nanawagan rin si Gaerlan sa mga tao na manatiling maingat at mapagmatyag, at na i-report agad sa mga otoridad ang mga kahinahinalang tao o bagahe.

Pinayuhan rin ni Abella ang publiko na umiwas muna sa matataong lugar, at iwasan rin ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon o spekulasyon.

May mga ulat na nais umanong pumunta ng pangulo sa pinangyarihan ng insidente, habang may ilan naman na nagsasaad na nasa police station si Duterte sa ngayon. Tumungo na rin sa lugar ang mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).

Read more...