Pag-amyenda sa Anti-Wiretapping Act, pinaboran ng mga senador at PNP

 

Nagkakaisa ang ilang mga senador maging mga opisyal ng Philippine National Police na baguhin ang ilang probisyon sa Anti-Wiretapping Law upang magamit ito sa kampanya ng Duterte administration laban sa iligal na droga.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, pinuno ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, dapat nang maamyendahan ang makalumang Anti-Wiretapping Law dahil saklaw lamang nito ang mga krimen tulad ng sedition, espionage at rebelyon.

Dahil aniya sa modernong sistema ng komunikasyon sa kasalukuyan, kinakailangang magkaroon din ng pagbabago sa sistema ng pagtugis sa mga kriminal lalo na sa mga drug lords.

Kung mababago aniya ang batas, maari nang maharang at maisailalim sa wiretapping ang mga komunikasyon na kinasasangkutan ng mga sangkot sa illegal drug trade.

Sa ilalim ng Anti-Wiretapping Act of 1965, ipinagbabawal ang palihim at pag-record sa mga pribadong usapan.

Gayunman, sa Section 3 ng naturang batas, maaring gamitin ang wire-tapping sa mga kasong espionage, rebelyon  at iba pang may kinalaman sa national security basta’t may kaakibat itong utos mula sa korte.

Sa kasalukuyan, may apat na panukalang batas na nakahain sa Senado na naglalayong maamyendahan ang Anti-Wiretapping Act of 1965 upang maisama na dito ang pagpapahintulot sa wire-tapping sa ilalim ng 2002 Anti-drug Law.

 

Read more...