Ayon sa ating singkit na Cricket, sa bawat pagsama n’ya sa ilang araw na sorties ng isang presidential wannabe ay mahina ang P1 milyon na gastos na kadalasang pinopondohan ng tatay ng ating bida sa kwentong ito.
Obligado raw kasing magbigay ng pondo itong si “Cong” dahil masyadong makunat ang kanilang “Principal” na nag-aambisyong humalili sa trono ni Pangulong Aquino.
Pero ngayong sadsad sa ratings ang kanyang principal ay tila natauhan na itong si Cong.
Noong isang linggo ay nagpadala na siya ng feelers sa isang malakas na presidential aspirant.
Nagtatanong itong si Cong kung pwede pa siyang maisingit sa lineup ng mga patatakbuhing senador sakaling magdeklara na ang pulitikong ito.
Mukha namang hindi mahihirapan itong si Cong dahil nangako rin pala ng financial backing ang kanyang tatay sa grupo ng naturang pulitiko.
Bukod kay Cong, ang kanyang political party na kinaaaniban ay nagbato na rin ng suporta bagamat hindi pa pormal na nagdedeklara ng kandidatura ang political neophyte na ito.
Malakas ang loob ng bagitong politician na tumakbo sa pinakamataas na pwesto dahil sa ipina-ngakong suporta ng mga malalaking business groups na dati namang sumusuporta kay Vice President Jejomar Binay.
Ito rin ang nagpalakas ng loob kay Cong kaya mabilis siyang lumipat ng bakuran samantalang ilang beses na siyang ipinakilala bilang senatorial candidate sa mga sorties ng beteranong pulitiko na ating ti-nutukoy.
Sa ngayon ay tulong-tulong ang buong pamilya ni Cong sa pagkalap ng pondo, mobilisasyon ng mga taong gagamitin sa oras na magsimula ang panahon ng kampanya.
Ang kongresista na mabilis pa sa alas-kwatro na lumipat ng bakuran nang kanyang maramdaman na tagilid ang sinusuportahang kandidato sa presidential election ay si Cong. G.S….as in Garantisadong Singkit.