Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level 1 sa North African country na Tunisia.
Sa pahayag ng DFA, itinaas ang alerto dahil sa mga naitatalang pag-atake at banta ng mga terorista sa nasabing bansa.
“Alert Level 1 has been raised in Tunisia due to the recent terrorist attacks and threats to the security situation in that country,” ayon sa DFA.
Pinayuhan ng DFA ang mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa nasabing bansa na maging maingat sa kanilang mga kilos at paglabas-labas.
Itinataas ang Alert level 1 sa isang bansa, kung mayroong mga senyales ng ‘internal disturbance’, ‘instability’, o ‘external threat’.
Ayon sa DFA, ang embahada ng Pilipinas sa Tripoli, Libya ang nakasasakop sa Tunisia at kasalukuyan na nitong binabantayan ang sitwasyon ng mga Filipino community sa nasabing bansa.
Noong nakaraang buwan isang lalaki ang namaril sa isang Tunisian resort na puno ng mga bakasyunista kung saan umabot sa 37 ang nasawi./ Dona Dominguez – Cargullo