Bukas ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na ikunsiderang muli ang pagbabalik ng ‘odd-even scheme’ sa buong Metro Manila.
Ito ay kung magiging epektibo ang ipinatutupad na partial implementation ng ‘odd-even scheme’ sa Pasig City sa ilang pangunahing lansangan sa lungsod.
Noong August 16, sinimulan ng Pasig City ang ‘experimental odd-even traffic scheme’ sa westbound lane ng F. Legazpi Bridge, mula East Bank Road hanggang M. Eusebio Avenue.
Sa ilalim ng odd-even scheme, hindi papayagan ang mga sasakyang nagtatapos sa ‘even numbers’ o 0,2,4,6 at 8 tuwing Lunes, Miyerkules at Byernes.
Bawal naman sa naturang lansangan ang mga sasakyang nagtatapos sa ‘odd numbers’ o 1,3,5,7 at 9 tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo.
Ayon kay MMDA Chairman Thomas Orbos, lahat ng posibleng solusyon sa paglutas sa matinding daloy ng trapiko sa NCR ay kanilang ikinukunsidera.
Gayunman, kailangan aniyang muling rebisahin ang sistema ng ‘odd-even scheme’ bago ito muling ipatupad dahil marami nang pagbabago ang naganap mula nang isagawa ito sa mga lansangan sa Metro Manila noong dekada nubenta.
Ang kapatid ni Orbos na si dating transportation secretary Oscar Orbos ang unang nagpanukala ng ‘odd-even scheme’ noong 1990.