Magpapasa na rin ng isang panukalang batas ang Kamara para sa isinusulong na pagpapaliban sa barangay at SK elections na nakatakda sana sa Oktubre 31, 2016.
Ito’y taliwas sa naunang pahayag ng Liderato na magpapasa ang Senado at Kamara ng joint resolution para sa naturang panukala.
Batay sa napagkasunduan sa ginawang all member caucus ng super majority coalition sa Mababang Kapulungan, ngayong hapon ay ihahain nila sa plenaryo ang panukala para ipagpaliban ang Barangay at SK elections ngayong taon at itakda na lamang ito sa ika-apat na Lunes ng Oktubre 2017.
Dahil sa urgency, magiging mabilis ang proseso ng Kamara sa panukala.
Sa oras na maihain ang panukala sa plenaryo ay agad itong isasalang sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Lumalabas na ang substitute bill na ipapasa sa Kamara ay itutulad sa ipapasang panukala ng Senado.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, ito ay upang mapabilis ang proseso at hindi na kailanganing magsagawa ng bicameral conference committee at agad maidiretso at mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Lunes ay meeting ng komite, habang sa Lunes din o Martes ay target maisalang at maipasa ng Kamara sa 2nd reading ang panukala at maisalang sa 3rd and final reading ng September 12.
Kailangan aniya ng Kongreso na magmadali dahil nagmamadali rin ang Commission on Elections o Comelec, na naghahanda na rin para sa naturang halalan.