Ina ng isang sundalo sa ASG: “Wala kayong konsensya”

 

Julie Alipala-Inot/Inquirer MIndanao

Hindi inasahan ni Mila Falcasantos na sa pamamagitan lang ng isang text message niya malalaman na napatay ang kaniyang anak sa pakikipag-bakbakan sa Abu Sayyaf group sa Sulu.

Kinamusta lamang ni Mila ang kaniyang anak na si Private First Class Jison Falcasantos matapos niyang mabalitaan na may 15 sundalong nasawi sa Patikul, Sulu kung saan nagaganap ang bakbakan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at Abu Sayyaf.

Tinext niya ang anak niya ganap na 6:40 ng gabi ng Lunes dahil siya ay nag-aalala sa anak na sundalo, ngunit kinabukasan ng umaga ay ibang tao ang sumagot sa kaniya gamit ang cell phone ng anak.

“Patay na ang son mu, wala na ang ulo niya, pinutulan na namin ng ulo kahapon,” sabi sa text message.

Sinagot ito ni Mila ng “Wala kayong konsensya.”

Muling sumagot ang may hawak ng cell phone ng anak niya at binantaan pa siya: “Talaga wala kaming konsensya dahil nagpunta sila dito sa lugar namin pati ikaw puputulan din kita ng ulo.”

Dahil dito, tinawagan na ng ginang ang kaanak niya na isa ring sundalong opisyal sa Jolo, na siya ring nagkumpirma na isa nga si PFC Jison Falcasantos sa 15 sundalong nasawi, at na totoong napugutan nga ito ng ulo.

Aniya, kinumpirma nitong nakita nila ang katawan ng kaniyang anak at ng dalawang iba pang sundalo na napugutan rin ng ulo.

Inamin naman ng ina na alam niyang delikado ang trabaho ng anak bilang sundalo ngunit hindi niya pa rin inaasahan na pupugutan ito ng ulo dahil hindi niya aniya ito pinalaki para lang mauwi sa ganoon ang kaniyang buhay.

Samantala, itinanggi naman ni WESMINCOM spokesperson Maj. Filemon Tan Jr. na sa 15 nasawi, walang napugutan ng ulo sa mga sundalo.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...