Ilang mambabatas  at pulis, kasabwat sa drug trade-Mayor Espinosa

 

Inquirer file photo

May  ilang mga mambabatas at pulis ang sangkot sa illegal drug trade at nakikinabang ng malaki dito.

Ito ang ibinunyag ni Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte sa pagharap nito sa isang press conference.

Ayon kay Espinosa, nasa 30 personalidad ng mga sangkot sa sindikato ng droga na pinangungunahan ng kanyang anak na si Kerwin ang nilalaman ng kanyang isinumiteng affidavit sa mga alagad ng batas.

“May mga members ng PNP, may members ng Kongreso,” pahayag ni Mayor Espinosa.

Nang matanong kung may senador sa mga tinutukoy ng alkalde, isang mahinang tugon ang binitiwan nito.

Aminado naman si Mayor Espinosa na nangangamba na siya sa kanyang buhay.

Sa pagharap ni Espinosa sa mga mamamahayag, dapat sana ay isisiwalat na nito ang mga pangalan ng mga umano’y sangkot sa illegal drug trade na kasabwat ng kanyang anak.

Gayunman, hindi niya ito itinuloy dahil sa matinding panganib umano sa kanyang buhay.

Hanggang sa kasalukuyan aniya ay hindi pa rin nila batid ang kinaroroonan ng kanyang anak na si Kerwin.

Nanawagan naman ito kay Kerwin at sa ilan pang kasamahan nito na sumuko na sa mga otoridad.

Hinihiling naman ni Espinosa sa DOJ na isailalim siya at kanyang pamilya sa Witness Protection Program.

Read more...