Mula kay Senador Leila De Lima ang ikapitong petisyon na inihain sa Korte Suprema na layong pigilin ang nakaambang paglilibing sa labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sa kanyang 38-pahinang petisyon, iginigiit ni Sen. De Lima direktang kokontrahin ng pagpapalibing sa dating presidente ang diwa ng 1987 Constitution dahil binuo ang naturang Saligang Batas upang matiyak na hindi na mauulit ang mga krimeng naganap sa ilalim ng naturang rehimen.
Dagdag pa ng ng senadora, walang sinumang Presidente ang may karapatan na baguhin ang isisnasaad ng kasaysayan.
Puno rin aniya ng ‘contempt’ ang inilabas na memorandum ng Department of National Defense (DND) na paghandaan ang pagbibigay ng full military honors kay Marcos dahil hindi ito karapat-dapat kung pagbabasehan ang mga ill-gotten wealth na nakamal nito.
Matatandaang suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalibing kay Marcos.
Ngayong araw, nakatakdang isalang sa oral arguments ang naunang anim na petisyon na kumukontra sa paglilibing sa dating diktador sa Libingan ng mga Bayani.