Pinigilan ng Court of Appeals (CA) ang ginagawang pagsisiyasat ng Philippine Competition Commission (PCC) sa P70-billion buyout deal sa telecommunication assets ng San Miguel Corporation (SMC).
Naglabas ang kanilang 12th division ng writ of preliminary injunction laban sa ginagawang review ng PCC sa nasabing deal.
Pinagbabayad ng appeals court ang petitioner na Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) ng P1-million bond para sagutin ang anumang danyos na sa PCC sakaling mag-desisyon sila na hindi entitled para sa isang writ ang PLDT.
Matatandaang noong Mayo 2016, pumasok ang PLDT at Globe Telecom sa isang sale and purchase agreement para sa lahat ng issued at outstanding shares and assets ng Vega Telecom Inc. na subsidiary ng SMC.
Nagsumite na ng mga detalye ng transaksyon at iba pang dokumento ang bawat partido sa PCC alinsunod sa mga patakaran nito.
Ipinaglalaban kasi ng PLDT, nakasaad sa PCC Memorandum Circular na oras na maihain ang hinihingi nilang notice, ikinokonsidera nang aprubado ang pagbili nila sa VTI shares, at agad na nilang magagamit ang 700mHz spectrum nito upang mapabilis ang mobile internet.
Binanggit rin ng PLDT na dahil masasabi nang “deemed approved” ang pagbili nila sa shares ng VTI, hindi na maaring kwestyunin ang kanilang benepisyo sa Section 23 ng Anti-Competition Act.
Giit pa ng PLDT, naaprubahan na ito ng National Telecommunications Commission (NTC), at na ang pag-review ng PCC ay iligal nang sasakop sa hurisdiksyon ng NTC.
Pero paliwanag ng PCC, walang basehan ang argumento ng PLDT dahil wala itong “clear and unmistakable legal right” na malalabag kung sisiyasatin nila ang kasunduan.