Nananatiling namumuno sa operasyon ng droga ang may-ari ng sinalakay na shabu tiangge sa Pasig City noong taong 2006 kahit pa nahatulan na ito at nakakulong na sa New Bilibid Prisons (NBP).
Base sa drug matrix na inilabas ni Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapitula, si Amin Imam Boratong ang nagmamando sa kaniyang kapatid na si Ama Boratong hinggil sa operasyon ng droga sa Pasig City at mga kalapit na lugar.
Si Ama ang siyang nagsisilbing supplier at galamay nito ang kanyang pinsan na si Acsaimen Amir Boratong.
Pinangalanan ding drug dealer ang pamangkin na si Aleman Boratong.
Habang ang anak ni Amin na si Datumanong Boratong ay tinukoy bilang hitman. Isang nagngangalang Jaime alyas Kalbo at isang Salamodin Tomara ang kapwa tinukoy ding hitman.
Tinukoy naman bilang street pushers sina Joy Ong at Raul Alfonso an ang operasyon ay sa Barangay Rosario, Pasig City; si Christian Evagelista, Jeffrey Dizon at Luisito Salazar na pawang arestado na at ang operasyon ay sa Barangay Manggahan.
Sinabi ni Sapitula na umaabot sa Taguig at Taytay, Rizal ang operasyon ng droga ni Boratong.
Sa pinakahuling impormasyon ng pulisya sinabi ni Sapitula na posibleng nagpapalamig muna sa Mindanao ang magkakamag-anak na Boratong kaya nakipag-ugnayan na rin sila sa ARMM police upang maaresto ang mga ito.
Ang grupo din anya ni Boratong ang suspek sa pagpatay sa lima nilang dating kasamahan na sila
Rofelio Corpus, Fernando Alfonso, Jeffrey Jocson at Chester Santos na pawang street level pushers sa Pasig at Taguig.
Taong 2006 nang sinalakay ang shabu tiangge sa Pasig City na pag-ari ni Amin Boratong.
Ang nasabing shabu tiangge ay natuklasan sa F. Soriano Street sa Pasig City na hindi kalayuan sa Pasig City Hall.
Noong July 2009 nang ibaba ng Pasig Regional Trial Court ang habambuhay na pagkakabilanggo kay Boratong at asawa nitong si Sheryl Molera-Boratong matapos mapatunayang guilty sa operasyon ng ilegal na droga sa lungsod.