Hinimok ni ARMM Governor Mujiv Hataman ang national government na ilipat na ng kulungan sa lalong madaling panahon ang mga terorista at mga drug lords na nasa probinsya sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Ang panawagan ni Hataman ay matapos naman ang pagsalakay ng mga armadong kalalakihang hinihinalang mga miyembro ng Maute terror group sa Lanao Del Sur Provincial Jail at pagpapalaya sa kanilang mga kasapi na nakakulong doon kamakailan.
Paliwanag ni Hataman, limitado lamang ang kakayahan ng lokal na pamahalaan upang protektahan at bantayan ang mga preso sa naturang bilangguan kaya’t makabubuting mailipat agad ang mga ito.
Malaki anila ang kanilang pangangailangan pagdating sa suporta mula sa national government hindi lamang sa pagtugis sa mga masasamang-loob kung hindi maging sa pagbabantay sa mga nahuhuli nang suspek.
Kanya na rin aniyang pupulungin ang Regional Peace and Order Council upang tukuyin ang puno’t-dulo ng insidente.
Matatandaang pinasok ng mga armadong suspek ang naturang bilangguan sa Marawi City at pinalaya ang walo nilang mga kasamahan nitong Sabado.
Ang grupo ng Maute brothers ay sinasabing naghayag na ng suporta sa Islamic State o ISIS.
Bukod sa walo, labinlima pang preso ang nakatakas sa insidente.