Batay sa pagkilala ng mga otoridad, ang kumpirmadong pasyente ay isang babaeng Malaysian, 47 anyos at residente sa nasabing bansa.
Sa joint statement ng Ministry of Health (MOH) at National Environment Agency, wala pang rekord ang pasyente na bumiyahe sa mga bansang apektado ng Zika kung kaya’t nakuha nito ang sakit sa Singapore.
Nakaranas ang nasabing pasyente ng lagnat, rashes at conjunctivitis bago ito mag positibo sa naturang virus makaraang ang dalawang araw na pagkaka-admit nito sa isang local hospital sa bansa kung saan ito isinailalim sa obserbasyon.
Bukod dito, isinailalim na ng health ministry sa screening ang tatlong iba pa matapos mag positibo sa mosquito borne virus sa unang test batay sa kanilang urine samples.
Matatandaang naitala ang unang imported case ng Zika virus infection sa Singapore noong buwan ng Mayo sa isang lalaking Singaporean na bumiyahe sa Sao Paulo sa Brazil.
Nagsimula ang Zika outbreak sa Brazil noong nakaraang taon at kumalat na ito sa mga kalapit na bansa. / Mariel Cruz