Sa pagharap ng pangulo sa mga sundalo sa Davao City, sinabi niya na lumabag sa mga protocols ang United Nations nang maglabas ito ng pahayag ng pagkabahala sa lumolobong bilang ng extrajudicial killings sa bansa.
Aniya, kung alkalde pa lang siya, maari siyang tuligsain ng United Nations, kahit tawagin pa siya ng kung anu-anong pangalan.
Ngunit tila nakalimutan aniya ng mga ito na pangulo na siya ngayon na kumakatawan sa isang bansa.
Tungkulin niya aniya bilang pangulo na protektahan ang Pilipinas at panatilihing buo ang integridad ng bansa.
Kaya naman babala ni Duterte sa United Nations, huwag nang humarap sa media at dumakdak laban sa kaniya dahil presidente na siya ngayon.
Tumungo si Duterte sa ika-10 anibersaryo ng Eastern Mindanao Command sa Naval Station Felix Apolinario sa Davao City.
Sa ngayon nasa 1,700 na drug personalities na ang nasawi sa drug war ni Duterte, dahilan para pumalag ang maraming grupo mula sa iba’t ibang bansa.