Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay sumusuporta sa pagpapaliban muna ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Oktubre.
Ayon kasi sa pangulo, natatakot siya na baka may makalusot na drug money sa eleksyon.
Ito aniya ang dahilan kung bakit sang-ayon siya sa mga kongresistang nagsusulong na ipagpaliban muna ang nasabing halalan.
Una nang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kailangan itong gawin sa SK polls upang mabigyang pagkakataon ang pangulo na punan ang mga bakanteng posisyon sa pamahalaan sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Nakasaad kasi sa Omnibus Election Code na ipinagbabawal ang pagta-talaga ng mga bagong empleyado, pagbuo ng bagong mga posisyon, pag-promote sa mga empleyado at pagbibigay ng dagdag sahod, 45 araw bago ang regular na halalan at 30 araw bago ang isang special elections.