Ipinagpatuloy ng Department of Justice (DOJ) ang pagdinig sa reklamong murder, robbery at paglabag sa anti-torture law laban sa dalawang pulis ng Highway Patrol Group (HPG) na nakapatay sa isang motorcycle rider sa Makati City.
Nagsumite na ng kanilang counter affidavit sa DOJ sina PO2 Jonjie Manon-og at PO3 Jerimiah De Villa ng PNP-HPG na itinuturong pumatay kay John Dela Riarte.
Pinanumpaan ng dalawa ang kanilang mga kontra-salaysay sa harap ni Asstsistant State Prosecutor George Yarte Jr.
Sa pagdinig, lumutang din na nagsampa pala ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property, malicious mischief at grave threat ang mga pulis laban kay Dela Riarte sa Makati Regional Trial Court noong August 1 o tatlong araw matapos mapatay ang biktima.
Gayunman, ibinasura lamang ito ng piskalya ng Makati dahil nga pumanaw na si Dela Riarte.
Ayon sa Public Attorney’s Office (PAO), patunay na may bad faith sa panig ng mga pulis nang sampahan nila ng kaso si Dela Riarte na pumanaw na.
Dumalo sa pagdinig ang kapatid ng biktima na si Robert Dela Riarte kasama ang mga abogado ng Public Attorney’s Office.
Present din sa pagdinig ang dalawang testigo ng mga Dela Riarte na nagtuturo sa dalawang pulis.
Inaasahan namang magsusumite ng kanilang sagot ang PAO sa counter-affidavit ng dalawang pulis.