Sa taas ng bilihin, sa mahal ng mga serbisyo – kapos ang hinihintay natin tuwing kinsenas at katapusan para pagkasyahin ang gastusin sa araw-araw. Ang masaklap pa, kapos na nga, may utang pa na dapat bayaran.
Kaya ayun – nganga. Dagdag stress sa buhay, di po ba. Lakas makapanget. Keri mo ba ang ganyang drama sa buhay?
Minsan ay naging guest ko sa aking Saturday program (Warrior Angel, 8:00-9:00am) ang financial at investment expert na si Armand Bengco ng Colayco Foundation.
Gaya ng sinabi ni Mr. Bengco, hindi talaga nakasasapat ang magkaroon ng 9 to 5 job o pagiging karaniwang empleyado na may trabaho ng walong oras isang araw.
Ang kailangan natin ay extra kita. Maaaring negosyo o ibang mapagkakakitaan gaya ng investment.
Hindi naman kailangan na bonggang-bongga ang sisimulan mong business. Siguro sa umpisa, pweding barya-barya lang ang kita. At least may simula.
Payo pa ng nakausap nating eksperto, bago kayo pumasok sa negosyo – kailangan itong paghandaan at pag-aralan. Sino ang bibili? Sino ang tatangkilik?
Sinabi nga ni Mr. Bengco, lahat ng negosyo ay kailangang may sinasagot na pangangailangan, problema at kakulangan.
May mga kakilala nga ako na ang business ay cellphone load – dahil yan ang kailangan ng kanyang mga kasamahan sa opisina.
Mayroong nagtitinda ng kape sa kanila ring opisina dahil yun ang kailangan ng kanyang mga katrabaho.
Bakit nila naisipan ang ganitong negosyo? Bagaman hindi naman ganun kalaki ang kita – hindi rin ganun ka-laki ang kailangang puhunan, at hindi na rin kailangang umalis at iwan ang kanilang trabaho. Pero nandun yung pangangailan. Maliban dun sa postpaid at walang cellphone, sino ba ngayon ang hindi nangangailangan ng cellphone load.
Mag-isip ng negosyo na hindi malaki ang capital, isipin na ang capital ay oras mo lang.
Sa aming interview kay Ginoong Bengco, na-ikwento niya ang isang masahista sa isang village.
Sumisingil si Masahista ng P300 per hour na masahe. Sa kada araw ay nakaka-apat na kliyente siya sa isang bahay lang.
Kapag susumahin, kumita na siya ng P1,800 sa isang bahay pa lang at kung regular na may kliyente ay aabot ng mahigit P30k kada buwan. Pero kung akala nyo ay hanggang dun na lang si masahista – hindi po.
Sa bahay na kanyang pinupuntahan, may ibinebenta siya on-the-side. Nandyan ang insurance, life plan o kung anumang maisip niyang maaaring i-alok sa mga kliyente niya. Mautak di po ba?
Pero maaaring swerti lang ni masahista.
Ang dapat nating tandaan, lahat ng matagumpay na negosyante, hindi sila minsan lang nabigo.
Gaya ng sinabi ng founder ng pinaka-malaking Chinese E-commerce na si Jack Ma, “The very important thing you should have is patience. Today is cruel. Tomorrow is crueler. And the day after tomorrow is beautiful.” Pak di po ba?
Ibig sabihin, kailangan ay matiyaga tayo kung nais nating magtagumpay hindi lang sa negosyo kundi maging sa ibang bagay.
Huwag rin asahan ang biglaang tagumpay dahil hindi mawawala sa negosyo ang kabiguan.
Ang magiging tagumpay mo ay nakasalalay sa kung paano mo ito pinaghandaan at pinagplanuhan.
Sa ating programang Warrior Angel tuwing sabado 8:00-9:00 am sa Radyo Inquirer, DZIQ 990am, may mga panauhin tayo na nagkukwento ng kanilang mga success stories kung saan maaari kayong makakuha ng tips kung paano magsisimula ng negosyo, maliit man o malaki.