Isang buwan na isinailalim sa surveillance ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sinalakay na condominium unit sa Mandaluyong City.
Ayon kay PDEA-National Capital Region Director Wilkins Villanueva, ang mga nasabat na party drugs ay ibinebenta ng mga nadakip na suspek na sina Jervy Lee at Ronald Fronda at ng kanilang amo na si Carl Agbulos.
Ayon kay Villanueva, bigo silang maaresto si Agbulos na hindi nila nadatnan sa unit nang isagawa ang operasyon.
Sinabi ni Villanueva na sa isinagawa nilang surveillance, aabot sa 20 hanggang 30 kliyente kada araw ang umaakyat sa unit para kumuha ng suplay ng party drugs sa grupo ni Agbulos.
Nakuhanan din aniya ng PDEA ng profile ang mga sasakyang nagpapabalik-balik sa lugar.
Kadalasan aniyang ginagamit sa mga party, concert at house party ang ibinebentang droga ng grupo.
Dagdag pa ni Villanueva, ang operasyon ni Agbulos at dalawa niyang tauhan ay kahalintulad ng operasyon ng DJ na si Karen Bordador at kaniyang boyfriend na nadakip din kamakailan.
Paliwanag ni Villanueva, sina Lee at Fronda ang nag-didispose ng mga party drugs habang wala ang amo nilang si Agbulos.
Una nang sinabi ni Lee na hindi niya alam na sangkot sa pagbebenta ng illegal drugs si Agbulos.
Aniya, tumira siya pansamantala sa unit ni Agbulos dahil magsakit ito at siya ang nag-iinject dito ng ilang kailangan niyang gamot gaya ng glutathione.