Sa mas pinaigting na laban ng pamahalaan kontra iligal na droga, ipinaliwanag ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung ano ang papel ng hudikatura dito.
Ayon kay Sereno, tungkulin ng mga korte na panatilihing buo ang “social fabric,” pakinggan ang panawagan ng mga tao na magkaroon ng hustisya at pigilan ang lipunan na mauwi sa “anarchy” o kawalan ng kaayusan at pamahalaan.
Pinaalalahanan ni Sereno ang publiko na ang mga korte ay binuo para tumanggap ng mga ebidensya at magbaba ng mga hatol, kahit pa hindi nila direktang tinatamaan ang ugat ng kriminalidad.
Aniya, tungkulin nila na magbigay ng katarungan sa estado at sa mga biktima kung may sapat na ebidensya, at gayundin sa akusado kung wala namang evidence of guilt.
Naghayag rin ng pagkabahala si Sereno sa kakulangan ng pag-respeto sa dignidad ng mga tao.
Giit niya, ang batas ang magpapanatiling matatag sa bansa.
Naaalarma na rin aniya siya sa kabiguan ng mga law enforcers na bigyang bisa ang court process dahil sa sitwasyon ng impunity sa bansa.