Mistulang nadulas si Pangulong Rodrigo Duterte nang maibunyag nito na binayaran na ang bandidong Abu Sayyaf Group ng 50 milyong piso para sa kalayaan ng Norwegian na si Kjartan Sekkingstad.
Si Sekkingstad ang isa sa apat na bihag ng Abu Sayyaf kung saan ang dalawang dayuhan na kasama nito ay pinugutan na ng ulo ng grupo.
Sa press conference sa Davao City, natanong ng mga mamamahayag kung may impormasyon ang pangulo ukol sa 18-anyos na lalake na pinugutan ng ulo ng Ajang-Ajang faction ng ASG.
Gayunman, sinagot ng pangulo ang tanong sa pamamagitan ng pagbanggit na umakto ‘in bad faith’ ang bandido dahil nabayaran na ang mga ito ng 50 milyong piso para sa kalayaan ng bihag.
Inakala ng pangulo na ang napugutan ng ulo ay ang Norwegian na si Sekkingstad.
Gayunman, ang pinatutungkulan ng tanong ay ang 18-anyos na si Patrick James Almodavar, na natagpuan ang pugot na ulo nitong nakalipas na Martes.
Kumabig naman ang pangulo sa pagsasabing kanya nang ipinag-utos sa AFP na lipulin ang Abu Sayyaf sa lalong madaling panahon.
Hindi naman binanggit ng pangulo kung saan nagmula ang ibinayad na 50 milyong piso sa bandidong grupo na may hawak sa Norwegian.