PNoy dapat kinasuhan din ng Ombudsman

Mourners pay their last respects to the 44 police anti-terror commandos who perished  last Sunday during the Philippines' biggest single-day combat loss in recent years,  at Camp Bagong Diwa, Taguig city, south of Manila, Philippines, on Friday, Jan. 30, 2015. On Friday, Philippine President Benigno Aquino III promised grieving relatives of the slain commandos that government forces will capture suspected bomb-maker Abdul Basit Usman. (AP Photo/Bullit Marquez)
AP Photo

Dapat ay isinama si Pangulong Benigno Aquino III sa inirekomendang kasuhan ng Office of the Ombudsman kaugnay sa naganap na Mamasapano Operation na ikinasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force ng Philippine National Police (PNP).

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Vitaliano Aguirre, Legal Counsel ni dating SAF Chief Getulio Napeñas, na nagtataka sila kung bakit agad na inabswelto si Aquino sa kaso.

“Nagkaroon ng senate report na talagang sinasabi nilang may kasalanan ang pangulo. Nauna po doon, ang Board of Investigator ni General (Benjamin) Magalong sinasabing ganun din.” Pahayag ni Aguirre.

Dagdag pa ng abogado na bagamat alam nilang hindi pa maaaring kasuhan sa ngayon si Presidente Aquino, maaari naman irekomenda ng Ombudsman na isailalim ito sa imbestigasyon, lalo na sa ginawa aniya ng pangulo na pangsangkot o pagsama kay suspendidong PNP Chief na si retired General Purisima sa Oplan Exodus.

Gustong malaman ng panig ni Napeñas kung ano ang pinagbasehan ng Ombudsman para linisin ang pangalan ni Aquino sa Mamasapano Massacre. “Ang prerogative po o power, and right ng Ombudsman kahit ikaw ay impeachable offense at saka you are immune from suit like the President puwede pa rin silang magkaroon ng imbestigasyon. Hindi po para i-charge ang Pangulo ‘pagkat sitting president pa siya kundi as a preliminary to whatever impeachable offense that may be found,” ayon kay Aguirre.

Inihalimbawa ni Aguirre ang kaso ni dating Chief Justice Renato Corona na paglabag lang sa kaniyang SALN pero naging basehan na ng impeachment.

Nanindigan si Atty. Aguirre na walang kasalanan si Napeñas dahil “mission accomplished” ang Oplan Exodus para iligpit ang teroristang Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Samantala, sinabi ni Aguirre na dismayado si Napeñas dahil matapos ang 37 taon na panunungkulan niya sa PNP ay hindi man lamang siya nagawaran ng retirement honor gaya ng ibinibigay sa ibang nagreretirong PNP officials. Sa kabila nito, tinatanggap naman daw ni Napenas ang lahat at handang harapin ang mga kaso.

Magugunitang pinakakasuhan ng Ombudsman si Napeñas, Purisima at siyam na iba pang police officers kaugnay ng naging papel sa operasyon sa Mamasapano na ikinasawi ng SAF 44./ Jimmy Tamayo

Read more...