Pumayag na ang mga high-end bar owners sa BGC o Bonifacio Global City sa Taguig na mag-deploy ang pambansang pulisya ng mga pulis na naka-sibilyan para magbantay sa mga sindikato na nagbebenta ng mga party drugs.
Una ng tinukoy ng PNP na talamak ang bentahan ng droga sa mga high-end bars na pangunahing parokyano ang mga anak ng mga mayayamang pamilya at maging ng mga celebrities.
Kagabi isinagawa ang pagpupulong na pinangunahan mismo ni PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa, kasama si NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde, at mga local government executives.
Isinusulong ng PNP na makakuha ng suporta sa mga may-ari ng mga bars at mga gimikan sa BGC sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Dalawa hanggang tatlong police personnel ang itatalaga ng PNP sa mga nasabing mga establishments para magsagawa ng surveillance sa loob at labas ng mga bars.
Ang hakbang ay naaayon pa rin sa “Project Double Barrel” ng PNP na naglalayon na maibaba ang level ng pagkalat ng droga sa bansa sa loob ng 6 na buwan.