China tutulong sa Pilipinas para mahuli ang mga Chinese drug suspects

duterte zhao jianhuaHumingi na ng impormasyon ang kinatawan ng China dito sa Pilipinas mula sa mga otoridad upang makatulong sila sa paghuli sa mga Chinese na hinihinalang nangangalakal ng iligal na droga dito sa bansa.

Ayon kay Chinese Ambassador to Manila Zhao Jianhua, kamakailan lang ay nagpalitan ng police visits ang China at Pilipinas para sa isang joint training at intelligence sharing.

Ito aniya ay bilang pagpapakita ng mas gumagandang kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa Asya para labanan ang iligal na droga.

Magugunitang una nang nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong hindi pa matukoy na dami ng Chinese nationals na sangkot sa bentahan ng ilgal na droga dito sa Pilipinas, na inaangkat pa nila mula China.

Sa pulong naman ng Senate committee on foreign relations, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. na ipinatawag niya si Ambassador Zhao para masagot ang mga katanungan nito kaugnay sa problema ng iligal na droga sa bansa.

Partikular nilang napag-usapan ang ulat ng pangulo kaugnay sa pagkakasangkot ng mga Chinese sa paglaganap ng iligal na droga, at ipinaliwanag ni Yasay na may imbestigasyon na pinagbabasehan ang ulat na ito.

Nangako naman ani Yasay si Zhao na makikipagtulungan sila sa mga otoridad ng Pilipinas tungkol sa isyung ito.

Read more...