Duterte, may banta sa China kaugnay sa teritoryo ng Pilipinas

duterteTiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging madugo ang sitwasyon kung papasok ang China sa mga teritoryo ng Pilipinas, partikular na ang West Philippine Sea.

Sa talumpati ng pangulo sa 2nd Infantry Division sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal, hinamon niya ang China na magpakita ng sinseridad sa bilateral talks matapos katigan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang Pilipinas kaugnay sa territorial dispute sa West Philippine Sea.

Ayon sa pangulo, hindi niya basta-bastang ibibigay ang Pilipinas sa China nang hindi man lang lumalaban.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit purisigido ang pangulo na armasan ng mga de kalibreng baril ang ating mga sundalo.

Dagdag pa ng pangulo, oras na igiit ng Pilipinas sa China ang desisyon ng PCA, tiyak na maraming bansa sa Asya ang makikisawsaw sa isyu gaya na lamang ng Malaysia, Vietnman, Indonesia at Brunei, pati na ang Amerika na may sariling interes dito.

Umaasa rin si Duterte na mabuti ang intensyon ng China sa pakikitungo nila sa Pilipinas, pero sinabi niyang sa huli ay nasa China pa rin ang pagpapasya kung isusulong nito ang pakikipag-ayos.

May alok aniya ang China na tumulong sa Pilipinas tulad ng pagpapatayo ng mga rehabilitation centers sa loob ng mga kampo militar para sa mga lulong sa iligal na droga.

Samantala, sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Ricardo Visaya na bagaman dehado ang Pilipinas, nakahanda silang ipagtanggol ang bayan.

Aminado si Visaya na walang ipangta-tapat ang Pilipinas sa mga de kalibreng armas ng China, pero tiniyak niyang patuloy ang modernisasyon sa AFP bilang paghahansa sakaling may ibang bansa na manghihimasok sa Pilipinas.

Read more...