Lumapit ang isang hindi pa nakikilalang suspek sa bahay nina Garcia alas-12:30 ng tanghali at bigla na lamang pinagbabaril ang kanilang tahanan habang sila ay nanananghalian.
Tumakbo si Garcia patungo sa likod ng kanilang bahay at nasugatan matapos tamaan ng bala.
Kung medyo pinalad si Garcia dahil sugat lang ang kaniyang inabot, hindi naman naging maganda ang kapalaran ng kaniyang 5-taong gulang na apo na si Danica May.
Timaan kasi ng bala sa ulo si Danica at kalaunan ay pumanaw rin habang nasa ospital.
Si Danica ang pinakabata at pinakahuling biktima ng digmaang kaakibat ng mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon sa asawa ni Garcia na si Gemma, hindi niya maintindihan kung bakit may aatake sa kaniyang mister gayong kailanman ay hindi ito nasangkot sa iligal na droga.
Ayon naman kay Supt. Neil Miro na hepe ng Dagupan police, posibleng mga drug dealers ang nasa likod ng pag-atake.
Aniya si Garcia, 53-anyos, ay dating tricycle driver hanggang sa ma-stroke ito tatlong taon na ang nakakalipas.
Natatakot na rin aniya silang manatili sa kanilang tahanan dahil baka balikan ng suspek ang kaniyang asawa.