Ex-DOJ Usec., itinanggi ang pagkakasangkot sa iligal na droga

Inquirer file photo
Inquirer file photo

Mariing itinanggi ni dating Justice Undersecretary Francisco Baraan III ang anumang pag-uugnay sa kaniya sa kalakalan ng iligal na droga sa loob ng National Bilibid Prison (NBP).

Matatandaang idinawit rin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Baraan sa aniya’y matrix ng koneksyon ni Sen. Leila de Lima sa mga drug lords sa loob ng Bilibid noong siya pa ang justice secretary.

Sa inilabas niyang pahayag, iginiit ni Baraan na hindi pumasok sa isip niya ang masangkot sa bentahan ng iligal na droga lalo’t taliwas ito sa kaniyang pinanghahawakang Kristyanong pananampalataya.

Naniniwala siyang lalabas ang katotohanan sa takdang panahon at umapela rin siya na mabigyan ng due process kaugnay ng akusasyong ibinabato sa kaniya.

Nirerespeto aniya ni Baraan ang pangulo, ngunit wala naman siyang kapangyarihan laban dito kaya ang tanging hiling niya ay ang pagiging patas at ang pagkakataong maipaliwanag ang kaniyang panig sa isang formal proceeding.

Nilinaw pa ni Baraan na kailanman ay hindi siya naging undersecretary na nakatalaga sa Bilibid, at limitado lang ang kaniyang kapangyarihan sa Bureau of Corrections (BuCor) na nangangasiwa sa NBP at anim na iba pang malalaking piitan sa bansa.

Read more...