Binatilyo nasagasaan ng truck sa Malabon, patay

crime-scene-e1400865926320Patay ang 13-anyos na binatilyo makaraang masagasaan ng isang trailer truck, Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jeriemy Matias. na taga-Gov. Pascual sa Malabon City, na ayon sa kaniyang mga kasama ay nakatayo lang sa gilid ng kalsada nang mahagip ng likod na bahagi ng 18-wheeler na truck.

Naganap ang insidente dakong alas-10:00 kagabi nang ililiko na sana ng driver na nakilalang si Roger Reyes ang minamanehong truck na may plakang PUA-788 mula sa Gov. Pascual Avenue patungo sa Del Monte.

Ayon pa sa mga kasama ni Matias, hindi pa sana masasawi ang binatilyo dahil ang binti lamang nito ang unang naipit sa gulong ng truck.

Ngunit nang bumaba si Reyes para silipin ang kalagayan ni Matias, pumanik muli ito sa minamanehong truck at inabante pa ito kaya naipit na ang ulo ng biktima.

Galit na galit naman ang ina ng biktima nang aminin ni Reyes sa presinto na sinadya niyang tuluyan na ang binatilyo pero iginiit na pinagsisisihan niya ang kaniyang nagawa.

Nagkaroon pa ng komosyon sa himpilan ng pulis sa Potrero, Malabon nang kuyugin ng mga kaanak at kaibigan ng biktima si Reyes matapos siyang ilabas sa presinto para isakay sa police mobile at madala sa headquarters ng Malabon police.

Sa ngayon ay iniimbestigahan pa rin ng pulisya ang nangyari, at posibleng makasuhan ng murder ang driver.

Read more...