Inilabas na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang matrix na naglalaman ng sistema ng operasyon ng mga opisyal ng pamahalaan na pawang mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa loob ng National Bilibid Prison (NBP).
Binigyan ng pangulo ang media ng kopya ng nasabing matrix kaninang madaling araw, sa Davao City ilang oras pagkatapos ng kaniyang press conference.
Tulad ng sinabi ni Pangulong Duterte, nasa tuktok ng tinatawag niyang “Muntinlupa Connection” matrix si Sen. Leila de Lima, at ang kaniyang driver at karelasyon na si Ronnie Dayan.
Bukod kay De Lima, naroon din si dating Pangasinan Governor at ngayo’y Pangasinan Rep. Amado Espino Jr., Pangasinans City Administrator Raffy Baraan, Pangasinan District Board Member Raul Sison, Gen. Franklin Bucayo, at isang Senior Police Officer 1 Palisoc ng Police Regional Office 1.
Tinukoy pa si Espino sa matrix bilang “richest politician in Northern Luzon” na mayroong “amassed unexplained wealth.”
Isinangkot rin si Espino sa black sand mining, quarrying at jueteng.
Gayundin si Baraan, na kapatid ni dating Justice Undersecretary Francisco Baraan, at matagal nang aide ni Espino at umano’y taga-cover up sa mga katiwalian nito.
Samantala, iniuugnay naman ni Pangulong Duterte ang pagkakasangkot ni De Lima sa operasyon ng iligal na droga sa kaniyang mga “sexcapades” at dating kasintahan na si Dayan, na nanilbihan rin bilang bodyguard niya.
Ayon sa pangulo, kung hindi dahil sa mga “sexcapades” ng senadora, hindi ito masasangkot sa ganitong isyu.