177 Indonesians na nahuling gumagamit ng pekeng PH passports, iimbestigahan ng DOJ

Passport
Inquirer file photo

Iimbestigahan ng Department of Justice ang naarestong 177 Indonesians matapos mahulihan na gumagamit ng pekeng Philippine passports.

Labing anim na government prosecutors ang itinalaga ng DOJ para sa grupong mag-iimbestiga sa naturang kaso.

Ito ay pangungunahan ni Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva.

Responsibilidad ng grupo na kumalap ng mga impormasyon mula sa mga Indonesian national ukol sa illegal possession ng Philippine passports.

Nabatid na pasakay na ng eroplanong patungong Madinah, Saudi Arabia ang nasabing Indonesians nang harangin ang mga ito ng tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport noong August 19.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Immigration, lumabas na inisyuhan ng Philippine passports ang mga ito para makadalo sa Hajj pilgrimage sa September 9 hanggang 14 gamit ang “quota” na nireserba para sa mga Filipino pilgrims ng Saudi government.

Napag-alaman ang kanilang mga pagkakakilanlan matapos mabigo ang mga ito na magsalita ng mga lenggwaheng Tagalog, Maranao at Cebuano nang isalang sa isang panayam.

Read more...