Ayon kay National Police Commission Vice Chairman executive officer Rogelio Casurao, ang mga kaso laban sa dalawang ‘narco-generals’ ay pormal nang inihain sa Napolcom commission en banc.
Una nang sinabi ni Napolcom service director Johnson Reyes na mahaharap sa mga kasong serious neglect of duty, serious irregularities in the performance of duty at conduct unbecoming of a police officer sina dating National Capital Region Police Officer chief Director Joel Pagdilao at dating Quezon City Police District Office director chief Supt. Edgardo Tinio.
Paliwanag ni Casurao, binase ang mga nasabing kaso sa detalyado at direktang ebidensya laban sa dalawang police officials.
Nanindigan din si Casurao na ang mga ebidensya na kanilang ipinakita sa commission en banc laban kina Pagdilao at Tinio ay matibay at malakas.
Sa kabila nito, sinabi ng Napolcom na wala pang nahahanap ang kanilang mga imbestigador na direktang koneksyon ng dalawang ‘narco-generals’ sa mga sindikato ng droga.
Ngunit giit ni Casurao, hindi na kailangan pang patunayan na may direktang koneksyon sina Pagdilao at Tinio sa mga drug syndicate.
Samantala, magpapatulong ang mga imbestigador ng Napolcom sa Anti-Money Laundering Council sa kanilang isasagawang lifestyle check sa dalawang ‘narco-generals’.