2 pulis na sangkot umano sa droga, patay sa buy-bust sa Pangasinan

 

File photo

Patay ang dalawang pulis sa isang buy-bust operation na nauwi sa palitan ng putok sa pagitan ng mga operatiba ng Regional Inteligence Division 1, CIDG Region 1, San Fabian police at Pangasinan Provincial Police Office.

Sa impormasyong ipinarating sa Kampo Crame, naganap ang buy-bust operation alas 8:00 ng gabi Lunes sa Bgy. Cabaruan, San Fabian, Pangasinan.

Kinilala ang mga napatay na mga drug suspek na pulis na sina SPO3 Marlon Nicolas at PO3 Jenny Agbayani (Male), kapwa nakatalaga sa Pangasinan PPO.

Sa inisyal na imbestigasyon, pareho umanong sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga at gun-for-hire activities ang dalawang pulis batay na rin sa intelligence report ng pulisya.

Nakuha sa dalawang suspek ang dalawang 9mm Beretta pistols, isang sachet ng pinaniniwalaang shabu, 2 rolyo ng pinatuyong marijuana leaves at 3libong pisong marked money.

Samantala kinumpirma naman ni Supt Jackie Candelario, tagapagsalita ng Pangasinan Provincial Police Office na kabilang ang dalawang pulis na napatay sa regional high level 3 watchlist.

Read more...