Bago magsimula ang ikalawang araw ng pagdinig ng Senado sa extrajudicial killings, nagtipon-tipon sa Senado ang mga opisyal ng barangay sa Metro Manila.
Tinatayang nasa 200 barangay officials ang dumating sa Senado para ipakita ang kanilang suporta sa “Oplan Tokhang” ng Philippine National Police (PNP).
Karamihan sa kanila ay mula sa Quezon City at mayroon ding mga taga-Tondo.
Bitbit ang mga placards na may nakasulat na “Kaisa niyo po kami Gen. Bato sa paglaban sa illegal na droga”; “Krimen sa aming Brgy ay bumaba dahil kay Digong at Bato”; “Kill the Pusher save the User” at iba pa.
Sumisigaw din sila ng “Para sa mga pusher, patay pa more!” at “Go Go Bato!”.
Ayon kay Ricky Corpus, National Secretary ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas at Presidente ng Liga ng mga Barangay sa Quezon City, simula nang ipatupad ang mas pinaigting na kampanya kontra illegal na droga, mas nakadama sila ng kapayapaan at katahimikan sa kanilang lugar.
Sinabi ni Corpus na ang mga adik at pusher sa kanilang mga lugar ay kusa nang sumusuko sa barangay at humihiling na tulungan silang magbagong-buhay.
Dahil dito, mas kampante na ngayon ang mga residente sa bawat barangay.
Bago naman magsimula ang hearing ay bumaba si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa para harapin ang mga barangay officials.
Ayon kay Dela Rosa, hindi niya personal na kilala ang mga nasabing opisyal ng barangay pero nagkakaisa sila sa layunin na maisulong ang pagkakaroon ng “drug free barangays” sa buong bansa.
Earlier: Sigaw ng mga Brgy Official na nagtipun-tipon sa Senado: “Para sa mga pusher, patay pa more!” | @janescosio pic.twitter.com/gLPKDfvU7m
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) August 23, 2016
WATCH: Brgy Officials nagtipon sa Senado bilang suporta sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan | @janescosio pic.twitter.com/Wk9Fikw4hG
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) August 23, 2016