Mayor Espinosa, sumailalim sa 5 oras na interogasyon

 

Nagtungo na si Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte sa lokal na himpilan ng pulisya para sabihin sa kanila kung anu-ano ang mga nalalaman niya tungkol sa operasyon ng iligal na droga ng kaniyang anak na si Rolando “Kerwin” Espinosa Jr.

Tumagal ang interogasyon ng limang oras na nagsimula alas-10 ng umaga ng Lunes hanggang alas-3:30 ng hapon.

Dahil sa tagal ng intergoasyon, naging usap-usapan pa sa munisipalidad na baka inaresto na ang alkalde.

Tumanggi naman si Espinosa at maging ang hepe ng Albuera police na si Chief Insp. Jovie Espenido na sabihin kung ano ang mga ibinunyag na impormasyon ng alkalde.

Pagkatapos ng interogasyon, tumanggi rin si Espinosa na magbigay ng pahayag sa media paglabas niya ng opisina ni Espenido.

Giit niya, hindi niya maaring sabihin sa media ang anumang napag-usapan sa loob.

Agad itong sumakay sa kaniyang service vehicle na naghatid sa kaniya pabalik sa munisipyo kung saan rin siya namamalagi mula nang bumalik siya sa trabaho.

Nahaharap ngayon si Espinosa sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act matapos masamsam ng mga pulis ang shabu na nagkakahalaga ng P88 milyon sa loob ng kaniyang tahanan sa Albuera.

Pinuri naman ni Espenido ang kusang pagpunta ni Espinosa sa kaniyang opisina para ilahad ang mga nalalaman niya kaugnay sa iligal na aktibidad ng kaniyang anak.

Read more...