Tiniyak ng Ehekutibo na hindi lamang ang mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel ang makakatikim ng dagdag-sahod sa 2017, kundi pati ang mga sibilyang kawani ng burukrasya.
Sa pagharap sa briefing ng House Appropriations Committee kaugnay sa 2017 proposed national budget, kinumpirma ni DBM Secretary Benjamin Diokno na ang 39.59 billion pesos na nakapaloob sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund ay para lamang sa mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel.
Ito ay ang una sa tatlong tranche ng dagdag-sweldo para sa uniformed personnel.
Pero ang para sa mga sibilyang empleyado ay nasa ilalim naman ng budget ng kinabibilangan nilang kagawaran para sa 2017.
Gayunman, humirit si Diokno sa Senado at Kamara na magpasa ng isang joint resolution na maglalatag ng apat na tranches ng dagdag-sahod ng mga taga-pamahalaan.
Sinabi ni Diokno na sa mga darating na araw ay isusumite nila ang draft ng resolusyon sa Kamara.
Sa usapin naman ng pensyon, sinabi ni Diokno na isusulong ng Ehekutibo ang pagreporma sa indexation ng pensyon ng mga retiradong sundalo at pulis, dahil otomatikong tumataas ito tuwing pagtaas sa basic salary ang mga nasa serbisyo.
Inamin ng Budget Secretary na mabigat ang epekto ng indexation, at sa totoo lamang ay malapit nang mahigitan ng pensyon ang sahid ng mga aktibo pa sa AFP at PNP.